Friday, January 25, 2013

Ang Kadiliman Bago Sumikat ang Umaga


(Note: Ito'y isang bagong bersyon ng isang tulang dati kong isinulat na sa palagay ko'y maaari pang mapaganda)

Pagtingala sa malawak na kalangitan
Marikit na mga tala ating mamamasdan
Gumagabay sa manlalakbay sa daan
Nagbibigay pag-asa sa may kahilingan.

Sa tuwing tayo'y titingala sa mga tala
Tayo'y nakakakita mga butil ng pag-asa
Na lahat tayo'y may sariling pagbabasa
Gabay sa dilim bago sumikat ang umaga.

ngunit anong kadahilanan sa aki'y pinagkait
Pag-asang masilayang mga bituwing marikit
Mistulang hadlang ngayon sa akin ang langit
Balot ng kadiliman at lamig na kay pait.

Bakit?! Bakit?! aking tinatanto
Langit! Langit! ba't ako ginaganito?
Sinusubukan mo ba ang tibay ng tao?
O ang dapat lang bang sisihin ay ako?

Ramdam ang kalungkutan sa hatinggabi
ako'y natigilan at napaisip nang maigi
Ibinulong ng langit ako'ng tutulong sa sarili
magpatuloy o mahimbing at maglaho sa gabi

Ako'y tumayo't tumuloy sa paglalakbay
nadapa't nasaktan halos mawalan ng malay
pumasok sa isip mas mabuti pang mamatay.
Hinde! magpatuloy! Mahalagang mabuhay!

Pagtingala sa malawak na kalangitan
matapos magdusa nang halos walang katapusan
Sa aking nakita ako'y nabuhayan
Bagong umaga! Tapos na ang kadiliman.

No comments:

Post a Comment