Aktuwal na kuha sa pangyayari. |
May isang lola na nadapa sa overpass sa may EDSA Guadalupe kaninang ika-5 ng hapon. Nadulas siya at tumama ang ulo sa semento dahil siksikan ang daanan sa pagitan ng hagdanan ng overpass at isang rampa. Kapansin-pansin na nagdurugo ang ulo ni lola at pumapatak ang dugo sa damit niya. Pilit pinapatigil ng dalawa niyang kasama ang pagdurugo.
Naging makulit at nagpatuloy maglakad si lola at binalewala ang kanyang sitwasyon kahit na pinapahinto na siya ng mga tao. Buti na lang at napadaan ang isang nurse na si Jenalyn Abon mula sa isang ospital sa Las Pinas. Pinatigil niya si lola, tinignan ang sugat, at pinatigil ang pagdurugo nito.
Samantala, nagbigay ng yelo ang service crew ng katapat na fastfood para panlapat sa nagdurugong sugat ni Lola. Ibinigay naman ng isang tindera sa bangketa ang kanyang silya upang maupuan ni lola.
Tinawag ko ang isang pulis, si PO2 Elman mula sa malapit. Pagdating niya at pagkaalam sa pangyayari, niradyo niya agad sa mga kasamahan niya na kailangan ng ambulansya.
Matapos ang wala pang limang minuto, may dumating na iba pang mga pulis, isang ambulansyang may lulan na emergency rescue team, at mga konstable ng MMDA na nag-ayos mapaparadahan ng ambulansya. Isinakay si lola sa ambulansya at dinala na ni lola sa pinakamalapit na pagamutan. Mukhang magiging maayos ang lagay ni lola.
Sabi ni PO2 Elman kay Jenalyn, "Maraming salamat po. Mabuti po kayong tao".
Ang Aral ng Kuwento
Madalas na negatibo ang mga pananaw natin sa mga taong hindi nating kilala. May mga masasamang loob nga na kahalubilo natin, ngunit lubhang mas marami ang mga mabubuti ang kalooban.
Hindi natin napapansin ang mga taong ito tulad ng mga nars na araw-araw ay tumutulong sa pagpapagaling nga mga may sakit, ang mga pulis at mga konstableng pantrapiko na nagpapanaatili ng kaayusan at kapayapaan sa lansangan, at ang lahat ng handang tumulong sa panahon ng pangangailangan.
Ang pangyayari kanina ay nagpapakita ng bayanihan. Ang mga munting gawang mabubuti ay malaki ang naitulong para sa isang taong nangangailangan. Kung walang tumulong siguro ay maaaring malubha na ngayon ang kalagayan ni lola.
Madalas ay hindi natin napapansin ang mga munting kabutihan at kabayanihan. Masyado tayong natatabunan ng mga bad news at nagiging negatibo na rin ang pananaw natin sa lipunan at kapwa natin. Ngunit kahit gaano ito kaliit, di naman matutumbasan ang pagkadakila nito. Ipinapakita ng kuwentong ito na likas na mabubuti ang mga Pilipino na handang magtulungan at tumulong.
Kung tutuklasin natin at maa-appreciate ang kabutihang loob at kabayanihan ng kapwa natin, siguradong magiging mabuti ang pagtingin natin sa ating bansa at kapwa. Kung magbabayanihan tayong lahat, siguradong giginhawa ang bayan natin.
Nagpapasalamat ako at isinilang at nagkamulat ako sa bayan ng mga bayani.